Pangkalahatang Pagtitipon Nagbigay Benepisyo sa mga Mag-aaral
Ganap na naisakatuparan ang pangkalahatang pagtitipon ng mga mag-aaral noong ika-7 ng Hulyo taong 2015 na dinaluhan ng mga mag-aaral mula sa unang taon hanggang sa ika-apat na taon sa Karangalan Covered Court sa Karangalan Village, Cainta, Rizal.
Bilang panimula, ipinaliwanag ng “School Librarian” na si Bb. Rhea Nimer ang mga regulasyon at mga patakaran sa paghiram at paggamit ng libro at ang mga dapat tandaan sa pag punta sa Silid Aklatan ng Unibersidad.
Nasundan ito ng Campus Nurse na si Jed Dela Cruz, RN. Ibinahagi naman niya ang mga benepisyo sa ating Campus Clinic. Wika niya, "Bukas lagi ang ating Klinika para sa mga may mga karamdaman. Maaari kaming magbigay ng gamot para sa inyo at tumulong sa abot ng aming makakaya ".
Naitalakay rin ang pagbibigay impormasyon ukol sa Students’ Welfare Association (SWA) na naglalayong ipahayag ang mga benepisyong maaaring makuha ng isang mag-aaral.
“May mga insurance na maaaring matanggap ang mga estudyanteng hindi inaasahang maaksidente sa labas man o sa loob ng Unibersidad" ani Dr. Rizalina R. Fernandez, SWA Coordinator kaugnay sa pagtalakay niya sa benepisyo ng SWA.
Isa pa sa mga pinagtuunan sa pagtitipon ay ang patungkol sa Scholarship, Counseling at Varsity. Ito ay mas lalong pinalawak ni Gng. Monette Pilapil, Guidance Counselor.
Bukod dito, napag-usapan din ang pagtatatag ng mga bagong organisasyon at mga aktibidades ng Unibersidad na pinamunuan ng Social Development Services (SDS) Coordinator, Gng. Jakielou Elardo.
Sumunod na nagpakilala ang Chronicler Adviser na si G. Jameson Martinez at nanghikayat sa mga mag-aaral para sumali sa opisyal na pahayagan ng URSC na "The Chronicler".
Sa pagpapatuloy, ginanahan ang nga manunuod nang sandaling ipamalas ang galing sa pag-awit nina Rodalyn Rance ng 2-E at Mitzi Javier ng 3-A .
Sinundan ito ng pagkakataong mabigyan ng mga Sertipikasyon ang mga dedikadong mag-aaral ng URSC na nakakuha ng matataas na grado para sa taong 2014-2015. Ang paggawad sa mga Dean's lister’s ay pinangunahan ni Dr. Rommel R. Castro, Dekano ng COE at ni Propesor Edgardo Y. Celestial , Dekano ng CIT.
Sa huling bahagi, namangha ang mga manunuod nang masaksihan ang presentasyon na inihanda ng mag-aaral mula sa 4-C na si Lazaro Benedicto III. Ikinagiliw ito ng lahat at sandali ring nagtayuan ang manunuod sa kanilang upuan at nagsigawan sa nakakatuwa niyang pakulo.
Nagkaroon din ng deliberasyon ukol sa pagtataas ng membership fee para sa iba’t ibang organisasyon. Mula sa halagang Р50.00 ay napagkasunduang gawing Р100.00 sa kada estudyante.
Ayon kay Gng. Jackielou Elardo, Chair, OSDS "magiging tulong na rin ito sa mga maisasagawang proyekto ng iba’t ibang organisasyon ng URSC".