SIOCOmpirmasyon
RONELYN N. SIOCO
​
Tatlong Mukha ng Lider
​
"Hindi lang sa salita maging sa gawa."
​
Ang lider ay isang taong namumuno sa isang organisasyon, samahan o lupon ng sambayanan. Siya rin ang taong tinataguriang pangulo ng isang bansa at ang isang lider ay ang nangunguna sa ikagaganda ng kanyang pinamumunuan.
Ngunit, paano natin masusukat ang kakayanan ng isang lider? May batayan ba upang masabi na ikaw ay mahusay na pinuno?
Ayon kay Eddie "Among Ed" Tongol Panlilio, may tatlong katawagan o mga salitang ihinahanay sa salitang LIDER, ito ay ang mga Pangulo, Pinuno at Tagapanguna.
Ang mga nasalitang nasabi sa itaas ay ilan lamang sa mga salitang naiaangkop sa salitang lider, halos magkakaparehang salita ngunit iba't ibang depinisyon. Ang mga salitang yaon ay nakalakip sa posisyong lider ngunit bawat isa sa kanila ay sumasalamin sa iba't ibang mukha ng lider. Mayroong mga lider na matatawag na pangulo, pangulo kung saan siya ang pinakamataas at nagpapatakbo ng isang samahan. Pinuno, isang lider na may hawak ng desisyon at walang makababali nito. At ang isang lider ay Tagapanguna kung saan siya ang nagsasabing "Tara, gawin natin ito" at hindi lamang nag-uutos bagkus siya pa ang nangunguna sa pagsagawa ng mga proyekto.
Ang isang lider dapat may IPAD dahil sa panahon ngayon dapat marunong sumunod sa agos ng panahon ang isang lider. Ang IPAD na ito ay naglalaman ng sumusunod: I - Ideyalismo, ang isang lider ay dapat malawak ang pananaw at bisyon sa buhay kung saan sa kanya dedepende ang mga miyembro niya. Ang kaniyang ideyalismo ang magiging pondasyon ng kanilang organisasyon. P - Protagonismo, ang lider ay marapat lamang na may angkop na matibay na paninindigan. Ang lider ang siyang tatayo para sa kaniyang sinasakupan at marapat lamang na magpakita ng nararapat na aksyon at may isang salita. A - Altruismo, ang lider ay dapat magpakita ng malasakit sa kanyang nasasakupan, ika nga mas iniisip nila ang iba kaysa sa kanilang sarili. Ang lider ay hindi isinasaalang-alang ang kanilang pansariling kapakanan bagkus ang kapakanan din ng nakararami. At panghuli, D - Debosyon, ang isang lider dapat may dedikasyon sa trabaho.
Samakatuwid, ang pagiging lider ay hindi lamang dapat maiwan sa mga depenisyon dapat maisagawa rin ito ng buong kakayanan, puso at kaluluwa.
​