top of page

ANGEL DELA GUARDIA

ANGELINA B. ABAD

                                                 SALAMIN

           

          Ang salamin ang bagay na hindi dapat makalimutan,lalo na sa mga madalas gumamit kagaya ng kabataan. Lingid sa kaalaman ng marami, sa salamin makikita ang iyong tunay na hitsura. Ang malungkot, masaya, may poot, pagkabigo, o naguguluhan man sa kanilang katauhan. Ang salamin na naging sandigan sa tuwing may problema na hindi mailahad sa iba.
    Hindi maitatanggi sa tuwing mag-isa at kaharap lang ang salamin, kinakausap na ang sarili, napapaamin sa tunay na nararamdaman. Dito matapang na naipapahayag ang saloobin at nagagawang umiyak na animo’y ibang tao ang kaharap. Nagagawang tumawa,magpapangit o magpaganda hanggang mawala ang pagod, maalis ang kinikimkim na poot o sama ng loob at nailahad ang mga lihim na hindi masabi kanino man.
    Sa mga kababaihan na hindi maiwasan ang mapasulyap sa salamin. Sa mga oras habang kumakain, simula ng gumising at bago matulog hawak pa rin ang malaki o maliit man na salamin. Mapasulyap lang ang hinahangaan, sisilipin na ang kanilang mukha sa salamin. Kapag hindi nakontento sa kanilang hitsura, hihingin pa ang opinyon ng iba.
    Katulad ng mga kababaihan, ganoon din ang karaniwang ginagawa ng mga kalalakihan. Nariyan na ang pagsulyap sa kanilang porma kung maayos na at pasado na sa kanilang paningin. Titingin at kakausapin ang salamin na animo’ y ang kaharap ay ang nililigawan o iniirog man. Sasabihin ang mga katagang nais sambitin sa babaeng mahal. Hindi mawari kung tama ba ang sinsabi o kontento na ba sa kanilang porma.
    Ang mga gumagamit ng salamin ay walang pinipili. Mayaman o maralita, bata o matanda may pag ibig o wala . Tanging  salamin ang nagsasabi kung anong uri ng mukha ng isang tao. Sa ibang tao kayang itago ang tunay na hitsura pero sa salamin,hindi kailan man ito maikukubli.
    Laging tandaan na kahit ilang ulit pang basagin ang salamin, subukan mong sulyapan ito makikita pa rin ang replika ng iyong mukha.#

© 2017 University of Rizal System - Cainta

  • w-facebook
  • Twitter Clean
  • w-googleplus
  • w-youtube
bottom of page